Puno ng tamis ang tinig ng mga bata,
At puno ng ligalig ang pagsasara ng mga araw,
At puno ng kasiyahan sa tuwing ang tren ay daraan.
Di ko alam kung bakit iyak nang iyak ang tandang,
Ni kung bakit iwinawagayway ng elepante ang kanyang nguso,
Ni kung bakit naririnig ni Hawthorne ang tren tuwing gabi.
Ang guwapong bata ay regalo mula sa Diyos,
Ang kaibigan ay ugat sa likod ng palad,
At ang sugat ay pamana ng hangin.
Wika ng ilan, namumuhay tayo sa katapusan ng panahon,
Ngunit naniniwala akong isang libong paganong sugo
Ang darating bukas upang binyagan ang hangin.
Wala tayong dapat gawin tungkol kay Juan.
Matagal nang hinihipo ng Bautista ang lupa kung kaya’t
Ang tubig sa balon hanggang ‘sandaang milya ay matamis.
Di na bale kung hindi natin maunawaan kung ano
Ang sinasabi ng tandang sa gitna ng gabi, ni kung bakit
May kasiyahan sa tuwing ang tren ay dumaraan.
Robert Bly