Sa Museo ng Mga Nawawalang Bagay

Matatagpuan mo ang mga palatandaan ng wala na:
ang kalansay ng emperatris, ang pinturang ninakaw

ng lalaking may dangal ang helmet
at may damaskong watawat ang sibat.

Isang ebanghelyong binalot sa velum, ikinubli kung saan noon pa
ay nilimot na, ang maaaaring nakalapag pa rin sa pedestal;

itong eskaparate malamang ay pinaglagyan
ng unang asin na kinulimbat sa Levant.

Para tulungan tayong maunawaan ang kalakhan
ng kawalan, malalawak na mga silid

ang binakante ng kamangha-mangha—ang Colossus,
ang mga Harding Nakabitin sa Babelonia, at,

sa tanghalang ito, mga istanteng langkag, sapat na
lunan ng lahat ng nakabalumbong sulatin mula Alexandria.

Mahal ko, pinakiusapan ko ang tagapangasiwa,
na siyang nagmana ng isang kabang walang laman

na kumakatawan sa lahat ng mga tula
na ngayo’y hindi mo na maisusulat. Ilalagay ito

sa tanghalan ng makata. Sa katabing pinto,
isang bakanteng silid ang umaalingangaw sa pagbuhos

ng mga alahas na ibinaon ng isang piratang namatay
bago pa man niya maisiwalat kung nasaan ang mga ito.

Sana’y walang kaso sa’yo, ngunit nagtabi ako
ng ilan sa mga piyesa mo

para sa aking sariling koleksyon. Sa palagay ko
ay alam mo na kung anu-ano ang mga tinutukoy ko.

Rebecca Lindenberg