Ang Pagtanggi ni Monet sa Operasyon

Doktor, ang sabi mo ay walang kinang
sa ulo ang mga poste ng ilaw sa Paris
at ang naaaninag ko ay kinikinita
dulot ng katandaan, isang kahinaan.
Sinasabi ko sa’yo na sa buong buhay ko’y ngayon ko lang
narating ang pangitain ng mga lamparang nagtila mga anghel,
ang palamlamin at palabuin hanggang sa paglahuin
ang mga talim na pinanghihinayangan mong di ko makita,
matutuhan na ang guhit na minsa’y tinawag kong abot-tanaw
ay wala nang pag-iral at ang langit at tubig,
kay tagal nang nagkahiwalay, ay iisang diwa na lamang.
Limampu’t apat na taon bago ko nakita
na ang katedral Rouen ay gawa
sa nakahilerang sinag ng araw,
at ngayon ay nais mong ipanumbalik
ang mga pagkakamali ko noong bata: ang haka
na ang nasa itaas at nasa ibaba ay nakapirmi,
ang ilusyon na ang espasyo ay may tatlong dimensyon,
ang wisteria ay nakabukod
sa tulay nitong tinatakluban.
Ano pa ang sasabihin ko upang kumbinsihin ka
na ang Mga Gusali ng Parliamento
ay nalulusaw sa bawat gabi
na siyang nagiging panaginip ng Thames?
Hindi na ako babalik sa uniberso
ng mga bagay na di magkakaugnay,
na tila ang mga isla ay hindi mga ligaw na anak
ng iisang dakilang sanlupain. Ang mundo
ay pagbabago, at liwanag ang kung ano ang kanyang hinihipo,
nagiging tubig, mga liryo sa tubig,
sa ibabaw at sa ilalim ng tubig,
nagiging lila, rosas at dilaw
at puti at mga lamparang asul,
maliliit na kamaong kay bilis
magpalitan ng sinag ng araw
kung kaya’t kailangan ang mahaba at maalong
buhok sa loob ng pinsel bago sila mahuli.
Ang ipinta ang liksi ng liwanag!
Ang mga tinimbang nating hugis, nangagsitindig,
nag-aapoy nang makihalubilo sa ere
at baguhin ang ating mga buto, balat, damit,
at gawing hangin. Doktor,
kung makikita mo lamang
kung paanong hinihila ng langit ang lupa sa kanyang mga yakap
at kung paanong ang mga puso kung lumawak ay sukdulan
angkinin lamang itong mundo, halipawpay na asul at walang katapusan.

Lisel Mueller

Discover more from Patrick F. Campos

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading