Isang Tula para sa Walkman

Nagbabago ang eksena
matapos ang limang oras at
papasok ako sa kwarto
kung saan tumitiktak ang relo.

Hahanap ako ng unan para
magtaklob mula sa mga tunog.
Nakikipagbatbatan ako upang
agawin mula sa diyos ang tunog.

Ang mga kalapati sa labas,
sa may bubungan, ang ubo
ng lalaki sa salas,
ang pagaypay ng mga pakpak
sa ibaba, ang langitngit
ng mga maya sa eskinita.

Ang kinakamot kong kati
sa bumbunan, ang pagdapo
ng mga ibon sa palapagan
ng aking bintana.

Nakababagot ang mga detalyeng
mailalarawan ko lamang sa’yo,
ngunit talagang narito at
naririnig ko at di kailanman
isusuko pang muli, bibitbitin
saan mang lupalop sa lungsod,
habang-buhay; o ikampay mo
ang iyong mga metal na pakpak,
diyos ko, akin ka na ngayong umaga.

Nakasuksok ka sa aking mga tenga,
Sa tambutso ng ‘sanlibong kotse
Na humaharurot paikot-ikot
sa palibot ng buong bayan.

John Wieners

Discover more from Patrick F. Campos

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading